By: tnt.abante.com.ph (February 26, 2024)
Nagbalik-bansa kamakailan si Marge Ordiales-Martinez, CEO ng CSI Professionals Inc., isa sa mga nangungunang employment at immigration company sa Southern California sa Amerika.
Pinangunahan niya ang pre-launch ng CSI-MHO Global Foundation Inc.
Layon ng foundation na makatulong sa pagpapagamot ng mga batang may sakit, gayundin sa edukasyon ng mga kapos sa pinansiyal ngunit nagpupursige sa pag-aaral makalipas ang tatlong dekadang tagumpay ni Martinez sa Amerika.
Inspirasyon niya sa pagtatatag ng foundation ang kanyang yumaong ina na si Doktora Norma Huvilla-Ordiales.
“This is high time for us to give back to the community after being able to exist in the industry for more than three decades now,” ayon kay Martinez.
Dumalo sa nasabing pre-launch event si Dr. Marita Andaman-Rillo, chairperson ng St. Dominic College of Asia (SDCA) at matalik na kaibigan ng ina ni Martinez.
Kabilang ang SDCA sa mga kinukunsiderang maging bahagi ng humanitarian initiatives ng CSI-MHO Foundation sa Pilipinas.
Kasabay ng pagtatatag ng foundation ang planong expansion ng CSI Professionals Inc. para makapaghatid serbisyo na rin sa Pilipinas.
Taong 1993 nagsimula ang CSI sa Chicago, Illinois. Noong 1995 naman nang magtatag ito ng tanggapan sa Los Angeles, California.
Ang headquarters nito ngayon ay nasa Glendale, California, sa prominenteng Brand Boulevard.
Daan-daang kliyente na, kabilang ang mga Pilipino, ang natulungan ng CSI Professionals Inc. na makamit ang American dream.
Commentaires